Salamin

Hindi miminsang nahuhuli kong tumingin ng kakaiba si Tito sa akin. Iba – parang may gustong kunin ang mga mata. Madalas, panay rin ang hawak niya sa aking pisngi, papunta sa leeg, papunta sa aking mga balikat. Ewan ko, pero pansin ko na ito simula pa lamang noong una ko siyang nakilala.

Palagi siyang bumibisita sa bahay kahit walang okasyon, lalo na kapag wala akong kasama. ‘Di ko rin alam kung bakit, basta natutuwa ako sa mga kwento niyang paulit-ulit lang din. Si Daddy, madalas wala sa bahay. Ewan ko ba ro’n kung saan nagpupupunta. Si Oliver, ang bunso kong kapatid, palaging nagkukulong sa kwarto; PSP palagi ang hawak. At nga pala, wala na si Nanay.

Kahit palaging wala si Daddy, ginagawa naman niya ang mga responsibilidad na iniwan ni Mommy noong buhay pa siya: Magluto ng almusal t’wing umaga, maglaba tuwing Huwebes (hindi pwedeng Biyernes dahil TGIF sila ng mga kumpare niya), maglinis ng bahay, at magbigay ng pera. Minsan naisip ko, ganito lang ba talaga kapayak umiikot ang buhay? Kung ganito lang talaga, sana ipinahid na lang ako ng tatay ko sa kumot.

Hindi kasi si Daddy ‘yung tipong, alam niyo ‘yun, ‘yung masasabing ‘Best Dad in the World’ kasi sa totoo lang, hindi ko siya naramdamang ama sa buong buhay ko. Pero hindi ko rin naman sigurado kung ano ba talaga ang dapat maramdaman kapag meron kang ama. Basta ang basehan ko lang, katulad ng mga napapanuod ko sa mga pelikula, madalas mag-kwentuhan ang tatay at anak na babae dahil meron ngang bansag na ‘Daddy’s Girl’ di ba?

Pero ok lang naman kahit ganoon si Daddy. Wala akong nararamdamang galit, sakit, o poot para sa kanya. Sadyang minsan lang talaga, napapaisip ako, lalo na kapag tahimik at wala halos akong makausap.

Si Oliver naman, minsan ko lang makita. Siguro sa isang araw, dalawang beses lang: tuwing almusal at tuwing hapunan. Pero mabait ‘yun, lalo na kapag may kailangan. Noong minsan, binigyan niya ako ng chocolate habang nagmumuni-muni ako sa bintana. Nagulat ako, sobra. ‘Yun pala, magpapaturo daw siya sa Math. Pero may nangilid pa ring luha sa kanang bahagi ng aking mata. Dahil kahit minsan pala, naalala niya ako.

Patuloy pa rin ang pagpunta ni Tito sa bahay bitbit ang mga kwentong ipon-ipon niya sa bulsa. Noong minsan, nagkwento siya,”Sa isang napakalaking palasyo sa malayong lugar, mayroong salamin na palaging tinatakpan ng itim na tela sa loob ng napakaraming taon…”

“Bakit Tito?”

Dahil walang nagtatangkang manalamin doon.”

 

“Bakit po?”

Tumigil si Tito. Namutla siya ng bahagya.

“Eh, sige na. Please?”

“Bukas ikukwento ko sa’yo promise. Matulog ka na.”

 

At hinalikan niya ako ng mariin sa noo. Iyon ang una niyang kwento simula ng namatay ang bunso kong kapatid.

Umuwi si Daddy sa bahay, lasing. Hindi ito bago sa aking paningin kung hindi ang mga mugto niyang mga mata.

Lumakad siyang papalapit sa akin, sumisiring, parang umiilag sa hampas ng hangin. Nagaapoy ang mga mata; kalmado niyang inilisik ang mga ito sa akin. Hindi ako kumibo, ni huminga. At hinawakan niya ang dalawa kong palad. Mariin. Masakit. Nanlamig ang buo kong katawan.

Nakatungo siyang lumuhod sa harap ko. At isinaring ang mga matang puno ng pagsisisi; hindi ako nagsalita. Pero naririnig ko siyang huminga. Mabigat. Mainit sa balat. Ngayon ko lang nakitang tumitig si Daddy ng ganoon sa akin. Sa higit kumulang sampung segundo, naramdaman ko kung paano maging ‘Daddy’s girl.’

Kinagabihan, hindi ako makatulog ng maayos. Nanunumbalik pa rin ang pakiramdam nang hinalikan ako ni Tito sa noo – parang may kakaiba.

 

Nag-mitsa ng ingay ang langitngit ng kahoy sa kabilang kwarto kung saan natutulog noon sila Mommy at Daddy. Dumulas ang puti kong kumot sa aking ulo, sumilip ako sa labas. Lumabas ako ng may bomba sa dibdib upang tignan kung anong mayroon sa loob ng silid na iyon. Dahan-dahan akong pumasok. Pinagmasdan ko ang anino kong lumalakad sa dingding. Bumungad ang parihabang salaming minana pa ng aking Mommy sa aking Lolo noong nabubuhay pa. Hindi lang ako ang repleksyong tumambad nang sinubukan kong buksan ang ilaw.

“Mama? Papa?”

Tumaob ang salamin.

Kinabukasan, hindi na muling bumalik si Tito simula ng nabalitaan niya ang libing ng aking bunsong kapatid.

Simula noon, kami na lang ni Papa ang tao sa bahay. Ang sarap pala ng may tatay.

Habang kumakain kami ng hapunan, naisipan kong itanong kung bakit hindi na pumupunta si Tito sa bahay. Nanginginig na ngiti lang ang isinukli niya sa akin.

“Kate?”

Pinanuod niya akong isubo ang karne sa aking makipot na bibig. Pinanuod ko rin siyang umiling-iling habang humihigop ng sabaw. Tahimik akong lumagok ng tubig.

“Kate?”

“Bakit Papa?”

Napansin kong iniiwas niyang magtagpo ang aming mga mata kahit sa tuwing magpapa-abot ako ng ulam. Hindi niya kayang pahinain ang tunog ng bawat lunok ng kanyang lalamunan at dibdib. Patuloy siya sa pag-iling, na para bang natalo sa sugal ng paulit-ulit.

“Bakit mo nagawa ‘yun?” natigilan siya.

Ibinaling niya ang tingin sa salaming nasa ulunan ko. Anong nakita niya doon? Bakit parang  may tinatago siyang takot? Naalala ko siya sa panaginip ko noong isang gabi, nakahiga siya; may gilit sa leeg. Agos dugo. Dami. Kagaya ng ginawa ko kay Mommy, Tito, at Oliver noon. Hindi ko mapag-isipan ng ganoon dati si Daddy dahil hindi ko pa nararanasang magkaroon ng ama, pero mas gusto ko siyang talupan ng balat ngayon at ibabad sa sabaw na higop-higop niya. Mas masarap pa rin palang mag-isa.

“Kate, bakit?” malambing ngunit may pait.

Tumawa ako ng malakas. “Bakit hindi?”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s