Nakakasawang Bumili ng Banana Q

Araw-araw ganito ang eksena.

Tuwing gigising ka sa umaga, ‘yun at ‘yun ang ringtone ng alarm mo. Magpapa-inin ka ng limang minuto sa kutson, kahit na bente minutos na lang ang natitirang oras at leyt ka na sa klase. Makakatapatan mo ng mukha ang mga boardmates mong nagkukuskos pa ng mata at nagpapahid ng panis na laway. Papatayin ang alarm, tapos pipikit ulit. At ikaw, mag-iinit ng tubig para mag-kape.

Nakakaumay din pala. Bakit kasi ang tagal mo?

‘Pag namataan mong pitong minuto na lang ang palugit sa’yo ng wall clock mo para mailigtas ang unang mong klase, saka ka lang kakaripas sa bilis. ‘Yung tipong ala-Flash sa bilis. Makakalimutan mo ang module at ball pen mo, pero hindi ang pagpupulbo. Maiiwan mo ang mainit mong kape at iinumin na lang pag-uwi kung kailan malamig na. Lalabas ka na sana ng pintuan, kaso naalala mong hindi mo pa suot ang I.D mo. Magba-babay ka sa mga boardmates mo, at agad silang tutugon ng “Ingat!” (most spoken lines, ever). Tapos ayun, lalakad ka na ng mabilis na parang walang pakialam sa mundo. Walang pakialam sa nadadagasan mong tao.

Nakakaumay nga talaga. Kasi naman ang tagal mo.

Tititigan ka ng guard kung suot mo ang I.D mo kahit na sobrang obvious naman talaga. Makakasalubong mo ang mga kakilala, kaklase, kangitian, at namamlastik sa’yo. Wala eh, ganon siguro talaga. Kahit saan may epal. Tapos dadaan ka ‘dun sa may shortcut papunta sa department mo. Aakyat ka sa hagdan para sumugod sa naga-agaw buhay mong klase. Tapos wala pa pala ang propesor niyo. Hihinga ka ng malalim “Wooooh!” sabay upo at mangongopya ng assignment sa katabi mo.

Nakakaumay, pramis. Ang tagal mo!

Hanggang sa makapasok ka sa class room niyo. May babati, may hindi. May ngingiti, may ngiti-ngitian. Tipid lahat sa classroom, pansin ko. Tipid ang kooperasyon, tipid ang pundasyon.  Kodiks na nga lang ata ang hindi tinitipid. Sasama ka sa mga kaibigan mo, tapos ‘di ka magsasalita. Wala lang. Sasama ka lang. Ngingiti ‘pag nag-jojoke sila. Tatawa kapag may nagpapatawa. Iimik ‘pag tinatanong. Boring no? May pagkakataon din namang parang hyper ka at absuwelto sa mga problema. Pag ganun ang vibes, ayos.

Nakakaumay naman. May hinihintay pa ba ako?

Tapos ‘yun, everyday quiz. Ay.. “quizzes” pala. ‘Pag ‘di nakapag-aral, hahanap at hahanap ng paraan para pumasa. Ako? Depende sa mood. Depende kung nakapag-aral o hindi. Pag labasan ng grades, nataasan ka pa nung kumapi-peyst ng sagot mo. Mawawala ka na sa huwisyo  para mag-aral at dadaanan na lang sa tindahan para bumili ng Banana Q. Pero mababadtrip ka ulit dahil sa sobrang daming asukal ng Banana Q. Bibili ka ng tubig. Bibili ka ng Milo para bukas ng umaga. Bibili ka ng Downy. Bibili ka ng mga walang kwentang bagay. Pagsisisihan mo pero gagawin  mo ulit bukas.

 Nakakaumay, darating ka pa ba?

Araw-araw ganito. Ganito dito. Gusto ko ng umuwi sa amin. Manahan kung saan nakakahinga ako ng maluwag. Malayo sa landas ng panghuhusga, kalungkutan, kapootan, at pagpapanggap. Pero bakit parang habang hinihintay kita, tila lalo kang tumatagal. Lalo kang lumalayo. Ayaw mo ba?

Bakasyon, iintayin kita. Sana bilisan mo ha?

Gasgas mula sa aking bisekleta

Natagpuan ko ang sarili kong nagbibisekleta sa malawak na kalsada sa aming bayan. Natutumba ako, at babangon rin. Naluluha tuloy ako sa sakit.

Simula ng mag-bakasyon, panay suntok at apir ang inabot ko sa kapatid kong si Chito. Biro nga sa amin ni nanay, ganito daw pala kami maglambingan. Pipikunin ko siya, mapipikon siya, at ayun, maglalaro na kami ng wrestling. Hindi ko madalas makita si Chito, kay lola kasi siya nakatira. Ako naman, kay nanay. Hiwalay na kasi ang nanay at tatay namin, kaya hiwalay din kami ng tirahan. Tuwing bakasyon na nga lang kami nagkikita eh. Madalas ko tuloy mamiss itong si Chito.

Nagsisimula kaming mag-bisekleta sa parke tuwing alasais ng umaga. Ito ang nagsisilbing ehersisyo naming tuwing umaga. Racing kami mula sa bahay hanggang parke. At dahil sa mas malaki kesa sa kanya ang biwas ko, ako ang laging panalo. At ang matalo, manlilibre ng pandesal at milo. Yan ang usapan.

Araw-araw kaming nagka-karera sa kalsada. Naghahabulan na parang pusa at daga sa daan. Tawanan, kulitan, asaran. Yan  ang samahan namin ni Chito. Kahit na hindi na kami madalas magkita, sinisigurado naming sulit ang mga pagkakataong magkasama kami.. Naglilinis kami ng bahay tuwing umaga. Siya ang taga-walis at ako naman ang taga-mop. Tapos magpapatug-tog kami ng malakas sa bahay, at hahawakang parang gitara ang walis at mop na gamit namin Tinutulungan niya rin akong magluto ng tanghalian, siya ang pinaga-gayat ko ng mga gulay at karne. Nadala na kasi akong mag-pasaing sa kanya eh, lagi kasing sunog. Kapag magmemeryenda, sabay kaming pupunta sa ihawan at bibili ng isaw at dugo. Bibili pa kami sa tindahan ng Tang Orange. Tapos manunuod kami ng pelikula sa gabi habang nag-ngangata ng kut-kutin. At dahil nakakatakot ang madalas naming panuorin, magka-akap kaming natutulog habang nakatalukbong ng kumot. Sabay ngaw-ngaw ng “awooooo” at tatawa.

Sumapit ang kaarawan ni Chito. Mabuti na lang at natama tuwing bakasyon ang birthday  niya, kaya lagi akong present sa handaan. Ibinili ko siya ng second hand na bisekleta sa dati kong kaklase. Natuwa naman siya dahil mukhang bagong-bago pa ang binili kong mountain bike, kumikislap pa ang manubela. Yun nga lang, hindi ko na magagawang samahan siyang mag-bisekleta dahil pasukan na naman. Kailangan ko na namang lumisan at lumayo ng panandalian.

Sa tuwing lalabas ako sa pintuan ng aming bahay para umalis, namamataan ko ang lungkot sa kanyang mga mata. Pero kapag tinititigan ko siya, dumi-dila lang siya at tatawa na parang nakakaloko. Akala niya hindi ko pansin ang kalungkutan niya.

“Ate, pag-uwi mo, bike ulit tayo ha,” sabay suntok ng sunod-sunod sa aking braso.

“Oo naman, dapat manalo ka na,” sinundan ko ng mabigat na tawa.

Ilang linggo pa lang bago ako umalis sa bahay ay nakatanggap ako ng tawag galing sa kanya. Naggamit na kaya niya yung binili kong bisekleta?

Chito calling..

“Hello? ”

“Apo.. Wala na si Chito.. Nabangga siya ng bus sa kalsada kanina habang nag-bibisekleta.. Hindi na kinaya sa ospital.. Si lola ito..”

“….”

Hindi ako makaimik. Naputol ng ilang Segundo ang dila ko. Pinipigilan ang malalakas na sigaw at iyak na nakakulong sa aking dibdib. Pilit inihihinto ang dumudulas na mga luha sa nagiinit kong mga mata. Nagiintayan kami ni lola kung sino ang unang iiyak, pero ako rin ang nauna.

Umuwi ako agad at ipinapa-walang bahala ang mga klase pagkatapos ng maiksing usapan namin ni lola. Gamit ang bisekletang may pahid ng dugo, natagpuan ko ang sarili kong nagbibisekleta sa malawak na kalsada sa aming bayan. Natutumba ako, at babangon rin. Naluluha tuloy ako sa sakit. Ang sakit ng iniwan mong gasgas sa akin Chito. Ang sakit, sobra.

 

 

Eyebags

alastres ng madaling araw

mata’y nananatiling mulat

sinusuyod ang malambing na gabi

Walang mintis

basta karamay ay buwan

tinitipa ang lumang piyano

habang mahinahon ang gabi

marahang nagmatiyag

Wala din

mata’y gising pa

gumulong-gulong sa kama

sapi’y lukot-lukot na

apuhap ang luno na unan

Di umubra

diwa’y dilat sa malay

alaskwatro ng umaga

araw’y pasikat na

tinanaw muli ang ulap

Madilim pa

konting tiis na lang

Hinagilap ang salamin

pinagmasdan ang kurba ng mga mata

nagkukubli sa ilalim ng dilim

Eyebags, aba

talagang itutulog ko na.